Saturday, July 4, 2020

Paggupit ng naipong plastik

muli na namang maggugupit ng naipong plastik
upang sa mga boteng plastik ay agad isiksik
patitigasing parang hollow block, ie-ekobrik
maggugupit-gupit pa ring walang patumpik-tumpik

sino bang mag-aakalang ako'y makakarami
na ito'y ginawa nang walang pag-aatubili
naggugupit habang nagninilay, di mapakali
gayunpaman, ang gawaing ito'y nakawiwili

basta maraming naipong plastik, gagawin agad
habang sariling ekonomya'y di pa umuusad
habang sa isip, kung anu-anong ginagalugad
habang naninilay na mundo'y nagiging baligtad

naggugupit, nagninilay, pagkat walang magawa
mahirap namang sa lockdown ay walang ginagawa
naggugupit, nagninilay, huwag lang matulala
gupit ng gupit, nilay ng nilay, tula ng tula

- gregbituinjr.

No comments:

Post a Comment

Muling paggawa ng ekobrik

MULING PAGGAWA NG EKOBRIK ang maybahay ko'y may naiwang boteng plastik sa bahay, naisip kong muling mag-ekobrik na naiwan kong gawaing n...