Saturday, May 16, 2020

Nakarami na rin ako ng nagawang ekobrik

nakarami na rin ako ng nagawang ekobrik
sa boteng plastik ay pinagsikapan kong isiksik
ekobrik ay libingan na ng laksa-laksang plastik
ekobrik ay libangan ko na ring nakasasabik

kayraming naipong plastik habang may kwarantina
pinatitigas na parang bato, pindutin mo pa
pag binato ng plastik ni misis, masakit pala
parang haloblak ang ginawang ekobrik, ano ba?

isang tulong na rin ito sa ating kalikasan
upang basura'y mabawasan sa kapaligiran
isang ekstrang gawain man ito'y pinagsikapan
upang makatulong din sa kapwa't sa sambayanan

ang naipong plastik sa malaking bag na'y naubos
ang basura'y di napunta sa laot, nakamenos
pakiramdam mo'y masaya't nakatulong kang lubos
ginawa sa panahong kwarantina kahit kapos

- gregbituinjr.


No comments:

Post a Comment

Muling paggawa ng ekobrik

MULING PAGGAWA NG EKOBRIK ang maybahay ko'y may naiwang boteng plastik sa bahay, naisip kong muling mag-ekobrik na naiwan kong gawaing n...