Friday, March 18, 2022

Upos

UPOS

napakasimple lamang ng paskil
ngunit, datapwat, nakagigigil
na pinagtatapunan ng sutil
ng upos ang halaman, suwail

huwag naman ninyong pagtapunan
ng upos ang nariyang halaman
di naman iyan dapat paglagyan
ng upos n'yo't gawing basurahan

paalala lang sa hitit-buga
mga upos n'yo'y ibulsa muna
na balat ng kendi ang kagaya
pakiusap lang itong talaga

ashtray o titisan ay ilagay
mas mabuti ang ganitong pakay
pag may titisan ay naninilay
upos ay doon lamang ilagay

nagpapasalamat kaming taos
kung may titisang naisaayos
kung doon itatapon ang upos
may nagawa tayong tama't lubos

- gregoriovbituinjr.
03.18.2022

Save Diliman Creek

SAVE DILIMAN CREEK

pinta sa pader: Save Diliman Creek
alamin natin ang natititik
sapa bang ito'y hitik na hitik
sa dumi, upos, basura't plastik

nadaanan ko lang naman ito
at agad kinunan ng litrato
upang maipaalam sa tao
na may problema palang ganito

paalala na iyon sa bayan
panawagang dapat lang pakinggan
tungong "Malinis na Katubigan"
pati "Luntiang Kapaligiran"

pakinggan mo ang kanilang hibik
anong gagawin sa Diliman Creek?
tanggalan na ng basura't plastik!
ang sapang ito'y sagiping lintik

"Save Diliman Creek" ay ating dinggin
sapagkat kaytinding suliranin
magsama-samang ito'y sagipin
dapat linisin, ang wasto'y gawin

sana naman ay dinggin ng madla
maging ng pamahalaan kaya
ang ganitong problema sa bansa
upang masolusyunan ng tama

- gregoriovbituinjr.
03.18.2022

Thursday, March 17, 2022

Selfie

SELFIE

ako'y agad nakipag-selfie
nang makita siya sa rali
ako'y natuwa't di nagsisi
sa kandidatong nagsisilbi

sa masa't sa kapaligiran
pambatong makakalikasan
kandidato ng mamamayan
ibotong Senador ng bayan

si David D'Angelo siya
pambatong Senador ng masa
na ang partidong nagdadala
ay Partido Lakas ng Masa

matitindi ang talumpati
basura raw ay di umunti
pati klima'y bumubuhawi
magsilbi sa bayan ang mithi

may babalang nakakatakot
hinggil sa klima, kanyang hugot
two degrees ay baka maabot
sa walong taon, anong lungkot

hangga't sistema'y di magbago
habang klima'y pabago-bago
nais ni David D'Angelo
dalhin ang isyu sa Senado

ito'y isyu mang daigdigan
ay dapat lang mapag-usapan
si D'Angelo'y kailangan
at ipanalo sa halalan

- gregoriovbituinjr.
03.17.2022

* selfie ng makatang gala
noong Araw ng Kababaihan

Tuesday, March 15, 2022

Pakiusap

PAKIUSAP

kaygalang nilang makiusap
bagamat masakit malasap
basahin mo sa isang iglap
tila puso'y hiniwang ganap

pakiusap lang po sa iyo
huwag naman ilagay dito
iyang anumang basura mo
mahiya ka naman, O, ano?

kalinisan o kababuyan?
kalikasan o basurahan?
kapaligiran ba'y tapunan?
anong tingin ng mamamayan?

basura'y saan ilalagay?
o di rin tayo mapalagay?
pakiusap man, lumalatay
sa ating budhi'y lumuluray

kaya ano nang dapat gawin
kundi paligid ay linisin
pagtatapunan ba'y saan din
pag-usapan ninyo't sagutin

- gregoriovbituinjr.
03.15.2022

* litratong kuha ng makatang gala sa isang napuntahang pamayanan

Sunday, March 6, 2022

Sa kawayanan

SA KAWAYANAN

napatitig ako sa kawayan
nang mapadalaw sa pamayanan
ng maralita sa isang bayan
at kayrami kong napagnilayan

kalikasan, alagaan natin
kapaligiran, ating linisin
paano ang dapat nating gawin
nang luminis ang maruming hangin

nakakahilo na ang polusyon
sa mga lungsod, bayan at nayon
dapat may magawa tayo ngayon
para sa sunod na henerasyon

sa kawayanan ay napatitig
nanilay, dapat tayong tumindig
halina't tayo'y magkapitbisig
para sa kalikasan, daigdig

- gregoriovbituinjr.
03.06.2022
- litratong kuha ng makatang gala sa isang sityo sa Antipolo

Friday, March 4, 2022

Tarp na tela

TARP NA TELA

dalawang taal na taga-Pasig
na tangan ang tarpolin na tela
nagsalita sila'y ating dinig
nang midya'y kinapanayam sila

na tinanong ukol sa tarpoling
makakalikasan, ano iyon
di na plastik ang ginamit nila
na parapernalyang pang-eleksyon

kayganda ng katwirang matuwid
kandidato'y makakalikasan
dito pa lang, may mensaheng hatid
kalikasan ay pangalagaan

paninindigan ng kandidato
sa tumitindi nang bagyo't klima
paninindigang para sa mundo
prinsipyadong tindig, makamasa

"Climate Justice Now!" ang panawagan
sa bawat bansa, buong daigdig
na platapormang kanilang tangan
kung saan dapat magkapitbisig

ah, ito'y isa nang pagmumulat
pagkasira ng mundo'y sinuri
sa kanila'y maraming salamat
sana ang line-up nila'y magwagi

- gregoriovbituinjr.
03.04.2022
* litratong kuha ng makatang gala matapos ang forum ng PasigLibre, 03.01.2022

Tuesday, March 1, 2022

Makakalikasan para sa Senado

MAKAKALIKASAN PARA SA SENADO

para sa kalikasan ang dalawa'y tumatakbo
mga environmental advocates silang totoo
halina't tandaan ang pangalang ROY CABONEGRO
at DAVID D'ANGELO, kandidato sa Senado

si Roy Cabonegro ay matagal kong nakasama
sa isyung makakalikasan sa akin humila
Environmental Advocates Students Collective pa
samahan sa iba't ibang pamantasan talaga

si David D'Angelo ay minsan nang napakinggan
nang sa Partido Lakas ng Masa'y naimbitahang
plataporma'y ilahad bilang Senador ng bayan
zoom meeting iyon, tunay siyang makakalikasan

sa pagka-Senador ay atin silang ipagwagi
ang dalawang itong sa kalikasan ay may budhi
at kung maging Senador ay magsisilbing masidhi
sa taumbayan, sa kalikasan, na ating mithi

- gregoriovbituinjr.
03.01.2022

Muling paggawa ng ekobrik

MULING PAGGAWA NG EKOBRIK ang maybahay ko'y may naiwang boteng plastik sa bahay, naisip kong muling mag-ekobrik na naiwan kong gawaing n...