tila mga halimaw na ang naglipanang plastik
na saan mang panig ng mundo'y naglipanang lintik
na kinakain ng mga isdang di makahibik
ibon at ibang hayop man sa plastik natitinik
tinatapon ng mga taong akala mo'y tanga
kung saan-saan, sa sasakyan, sa dagat, kalsada
mabuti't may ibang ibinobote ang basura
upang di malunod sa plastik ang kanyang pamilya
isisiksik ang mga plastik sa boteng plastik din
bakasakaling solusyon itong kayang likhain
ngunit iilan lang ang may ganitong adhikain
upang kahit paano? kahit paano'y may gawin!
wala pa silang sanlibo, plastik ay bilyun-bilyon
kaunti lang sila kumpara sa laksang polusyon
ano nang gagawin sa plastik na naglilimayon
kung plastik sa bote'y temporaryo lang na solusyon
- gregbituinjr.
Ito ang blog ng sanaysay at tula ng ekobriker na si Gregorio V. Bituin Jr. Itinataguyod niya ang pangangalaga sa kalikasan, at pagtitiyak na kahit papaano'y makapag-ambag munti man upang hindi pumunta sa landfill at sa karagatan, lawa at ilog ang mga plastik at upos ng yosi upang hindi makain ng mga isda at hindi makasama sa kalikasan at sa kalusugan ng kapwa tao.
Sunday, February 9, 2020
Ang aklat na "Green Hopes: The Future of Political Ecology"
ANG AKLAT NA "GREEN HOPES: THE FUTURE OF POLITICAL ECOLOGY"
Maikling sanaysay ni Gregorio Bituin Jr.
Nabili ko ang aklat na "Green Hopes: The Future of Political Ecology" sa Book Ends Bookshop sa Lungsod ng Baguio noong Hunyo 5, 2019, sa mismong paggunita ng World Environment Day. May turo si misis hinggil sa ecobrick na nakaiskedyul doon kaya nabili ko ang 169-pahinang libro sa araw na iyon, sa halagang P150.00.
Paliwanag sa likod na pabalat ng aklat: "This book is a clear and vigorous manifesto for political ecology - a 'green' alternative to traditional political movements and doctrines. It examines the core values and principles which underlie political ecology, as well as the key problems it must address if it is to become a force of hope for the future."
Ang aklat ay salin mula sa wikang Pranses, at isinulat ng Pranses na si Alain Lipietz. Isinalin naman ito sa Ingles ni Malcolm Slater. Inilathala ito ng Polity Press noong 1995.
May tatlo itong bahagi, at labingtatlong kabanata. Narito ang tatlong bahagi:
Part 1: Old Imperatives, New Hopes
Part 2: International and Worldwide Perspectives
Part 3: A New Political Force
Hindi ko pa talaga nababasa ito ng buo, subalit magandang basahin, kahit na 1995 pa ito sinulat, tatlong taon matapos ang unang Earth Conference sa Rio de Janeiro noong 1992.
Aktibo ako sa ilang mga grupong pangkalikasan, na nagdala sa akin sa iba't ibang lugar, tulad ng Thailand at France. Paglalakad mula Luneta hanggang Tacloban. At marami pang lugar. Nais ko pang mag-ambag ng marami pa sa usaping kalikasan at hustiyang panlipunan. At nawa'y may maiambag sa akin ang nasabing aklat.
Bakasakaling marami rin akong matutunan at maidagdag sa mga isusulat ko pang sanaysay, kwento at tula. At ito nga, nagsulat ako ng munting tula na sarili kong pagtingin sa pamagat ng aklat.
LUNTIANG PAG-ASA
ano nga ba itong aklat na "Luntiang Pag-asa"?
ano ba itong pampulitikang ekolohiya?
bagong konsepto ba itong dapat nating mabasa?
na dapat matutunan ng nakararaming masa?
para sa kalikasan, para sa kapaligiran
bakit plastik na ang nabibingwit sa karagatan
imbes isda'y basura sa lambat pagpipilian
habang pulos polusyon na dulot ng mga coal plant
ang pag-asa ba'y luntian kung magtulungan tayo?
itong pampulitikang ekolohiya ba'y ano?
inaatake rin ba nito ang kapitalismo?
na siyang sistemang sumira sa buhay ng tao?
upang masagot ang mga tanong, ito'y basahin
baka may pabula ritong kaysarap kung namnamin
tulad ng kuwagong animo'y palaisip man din
o tulad ng unggoy na minsan kayhirap ungguyin
Wednesday, February 5, 2020
Wala na silang nabibingwit na isda, wala na
wala na silang nabibingwit na isda, wala na
at di na isda ang nabibingwit nila, plastik na
bakit ganito, ang mga isda'y naging basura
inaasam na pagkain ay wala na, wala na
wala nang isda silang nabibingwit kundi plastik
tinatanggal nila sa lambat ay plastik at putik
sa mga basura ang lawa na'y namumutiktik
sinong maysala, kanino mangingisda'y hihibik?
tila baga ito sa mangingisda'y isang sumpa
plastik na ba ang kapalit ng gutom nila't luha
tila sa buhay nila'y may matinding nagbabadya
mapalad silang makabingwit kahit konting isda
ano nang dapat gawin sa ganitong kaganapan
aba'y dapat malutas ito ng pamahalaan
kung hindi naman ay magkaisa ang mamamayan
nang isda't di plastik ang mabingwit sa katubigan
- gregbituinjr.
at di na isda ang nabibingwit nila, plastik na
bakit ganito, ang mga isda'y naging basura
inaasam na pagkain ay wala na, wala na
wala nang isda silang nabibingwit kundi plastik
tinatanggal nila sa lambat ay plastik at putik
sa mga basura ang lawa na'y namumutiktik
sinong maysala, kanino mangingisda'y hihibik?
tila baga ito sa mangingisda'y isang sumpa
plastik na ba ang kapalit ng gutom nila't luha
tila sa buhay nila'y may matinding nagbabadya
mapalad silang makabingwit kahit konting isda
ano nang dapat gawin sa ganitong kaganapan
aba'y dapat malutas ito ng pamahalaan
kung hindi naman ay magkaisa ang mamamayan
nang isda't di plastik ang mabingwit sa katubigan
- gregbituinjr.
Subscribe to:
Posts (Atom)
Muling paggawa ng ekobrik
MULING PAGGAWA NG EKOBRIK ang maybahay ko'y may naiwang boteng plastik sa bahay, naisip kong muling mag-ekobrik na naiwan kong gawaing n...
-
gawain ko'y di pa matatapos hangga't may plastik ipon ng ipon, gupit ng gupit ng mga plastik bawat nagupit ay isisilid sa boteng p...
-
Basurang tinapon mo'y babalik sa iyo sa laot, tila ang mga isda'y nagpipiyesta sa dami ng kinalat ng tao't ibinasura upos ...
-
may mga basurahan nang para sa nabubulok panis na pagkain, pinagbalatan ipapasok basang papel, dahong winalis, huwag magpausok magsunog ng b...