Saturday, October 26, 2019

Gawing ekobrik ang mga pulitikong plastik

di pwedeng gawing pataba sa lupa dahil toksik
iyang mga pulitikong dapat lang i-ekobrik
lalo ang mga tusong trapong gahaman at switik
silang sanhi kaya buhay ng masa'y putik-putik
mga basurang trapong kapara'y single-use plactic

di sapat na ang mga pulitiko'y ibasura
pagkat baka makahawa pag sila'y naglipana
dapat i-ekobrik ang tulad nilang palamara
pagkat sila ang sanhi ng kahirapan ng masa
lalo't dignidad ng dukha'y kanilang dinudusta

tanong ko lang, may matitino pa bang pulitiko
lalo na't layunin nila'y pag-aaring pribado
na sanhi'y pagsasamantala ng tao sa tao
at ninenegosyo pati pampublikong serbisyo
i-ekobrik ang trapo upang sistema'y magbago

- gregbituinjr.

Thursday, October 24, 2019

Unawain ang mensahe sa karatula

dalawang bagay: naglagay doon ng paalala
dahil doon palaging nagtatapon ng basura...
o nang-aasar, pagkat kung saan may karatula
aba'y doon pa nilalagay ang basura nila!

mapapaisip ka minsan sa ganitong ugali
ang naglalagay ba ng basura'y tanga o hindi?
kung nasaan ang karatula'y nagtatapon lagi
o hindi raw sila marunong magbasa, kunyari

mga dayo ba sila sa bansa't di maunawa?
ang simpleng paalala't mga payak na salita
anong disiplina mayroon sila't utak biya?
at nagtapon sa harap ng karatulang ginawa

katawa-tawang pangyayari o nakakainis
di malaman kung magagalit ka o bubungisngis
mensahe sa karatula'y igalang nang luminis
ang lugar na iyon, nang basura'y agad mapalis

- gregbituinjr.

Muling paggawa ng ekobrik

MULING PAGGAWA NG EKOBRIK ang maybahay ko'y may naiwang boteng plastik sa bahay, naisip kong muling mag-ekobrik na naiwan kong gawaing n...