Friday, October 19, 2018

Kababayan, halina't tayo'y mag-ecobrick

tambak ang basura, anong dapat magawa
paano tulungan ang mundong nasisira
kayrami nang plastik sa dagat kaysa isda
mga ito ba'y ililibing lang sa lupa

may mga pamamaraan upang tulungan
itong namumulikat nating kalikasan
mga plastik ay tipunin, huwag hayaan
na lupa'y lasunin, maglipana kung saan

kababayan, halina't tayo'y mag-ecobrick
gawan ng paraan ang naglipanang plastik
sa mga boteng plastik ay ating isiksik
ang ginupit na malambot at tuyong plastik

siksiking mabuti't dapat na parang bato
gamiting pader, upuan, o pasimano
magtulungan tayong pagandahin ang mundo
at isa ang ecobrick sa paraang ito

- gregbituinjr.
kuha ni gregbituinjr.

Monday, October 8, 2018

12402 - Ang una kong ecobrick

“I hope the time should NOT come that plastics are rampant in the ocean than fish. Let’s go ecobrick!” - published at https://www.ecobricks.org/12402/

tunay na malaking hamon sa aking kakayahan
bilang mandirigma para sa ating kalikasan
upang luminis at gumanda ang kapaligiran
itong gawaing pageekobrik para sa bayan

dahil hindi dapat mapunta ang plastik sa laot
ngunit paano pipigilan ang ganitong salot
plastik na naglipana'y tunay na katakut-takot
ang ganitong pangyayari'y sadyang nakalulungkot

isang paraang naisip ng marami'y ecobrick
kung saan gugupitin sa maliliit ang plastik
na sa boteng plastik naman ay dapat maisiksik
ang di lang natin magupit ay mga taong plastik

daigdig nating ito'y huwag gawing basurahan
ito'y isang prinsipyong habambuhay tatanganan
mag-ambag tayo't mag-ekobrik din paminsan-minsan
o kung sinisipag ka'y gawin na itong arawan

- gregbituinjr.

Saturday, October 6, 2018

Halina't mag-ecobrick

HALINA'T MAG-ECOBRICK

lumaki na tayong kasama na natin ang plastik
tila ba ito na ang buhay, laging nasasabik
halos lahat ng gamit ay plastik, nakakaadik
pag nalunod na sa plastik, baka mata'y tumirik

huwag ilagay ang plastik sa ilalim ng araw
huwag itong sunugin, nakalalason ang singaw
huwag painitan, sa amoy ay tiyak aayaw
huwag hayaang sa init unti-unting malusaw

mga plastik sa ating bayan ay nakalalason
laking epekto sa bayan sa haba ng panahon
di man matunaw ng hangin, bagyo, ulan, o ambon
ngunit pag nainitan, para tayong nilalamon

ang plastik na itinapon ay pilit na bumabalik
anong dapat nating gawin pag ito na'y humalik
sa mga boteng plastik, mga plastik ay isiksik
upang tayo'y makatulong, halina't mag-ecobrick

- gregbituinjr.
- binasa sa harap ng mga dumalo, sa huling araw ng tatlong araw (Oktubre 4-6, 2018) na Ecobrick Certification Training of Trainors, Daila Farms, Tagaytay City

Friday, October 5, 2018

Single-use plastic sa Pinoy Henyo

SINGLE-USE PLACTIC SA PINOY HENYO

nag-pinoyhenyo kami matapos ang aktibidad
hinati sa dalawang grupo, talino'y nalantad
kayraming di nakahula, iilan ang pinalad
ngunit kaysaya sa laro kahit iba'y sumadsad

tatlong araw na pagsasanay hinggil sa ecobrick
sa ikalawang gabi'y naglaro ang matitinik
subalit di ko nahulaan ang single-use plastic
nasabi ko lang ay plastik, di sapat ang saliksik

kahit sa pagi-ecobrick, mahalagang magnilay
paano bang mga plastik ay dumaraming tunay
plastik na di magamit, sa basura nilalagay
sa dagat man, kinakain ng isda't ibang buhay

hiling ko na'y huwag sanang dumating ang panahon
na sa tambak-tambak na plastik tayo'y mababaon
at isa itong ecobrick sa nakitang solusyon
halina't magkaisa't harapin ang bagong hamon

- gregbituinjr.
- nilikha sa ikalawang araw ng tatlong araw (Oktubre 4-6, 2018) na Ecobrick Certification Training of Trainors, Daila Farms, Tagaytay City

Sa dagat ng basura

ang dagat bang puno ng basura'y nakita nyo na?
anong namasdan nyo, aba'y kayraming plastik, di ba?
nakakadiring pumunta sa dagat ng basura
hoy, baka magkasakit kayo, aba'y kayhirap na!

huwag sanang dumating ang araw na sobrang dami
ng basura sa dagat, wala nang isdang mahuli
tulungan natin ang dagat, mundo, bayan, sarili
gawin natin ang marapat, gaano man kasimple

- gregbituinjr.
- binigkas bilang bahagi ng Group 3 demonstration of modules sa palihan (workshop) sa ikalawang araw ng tatlong araw (Oktubre 4-6, 2018) na Ecobrick Certification Training of Trainors, Daila Farms, Tagaytay City

Thursday, October 4, 2018

Pagpapakilala sa isang seminar

ako'y mandirigma para sa kalikasan
nakikibaka upang mapangalagaan
itong daigdig na dapat pakamahalin
ambag sa kinabukasan ng mundo natin

ako'y makata mula Sampaloc, Maynila
aktibista, manunulat, at manggagawa
ina ko'y Karay-a, ama ko'y Batangenyo
payo'y kalikasa'y alagaang totoo

tawag sa akin, makata ng Balic-Balic
na tula'y umuupak sa utak-tiwarik
Greg Bituin Jr. po, ako'y nagpupugay
sa lahat ng nariritong dumalong tunay

- gregbituinjr.
- binigkas sa pagpapakilanlanan ng mga dumalo sa unang araw ng tatlong araw (Oktubre 4-6, 2018) na Ecobrick Certification Training of Trainors, Daila Farms, Tagaytay City

Muling paggawa ng ekobrik

MULING PAGGAWA NG EKOBRIK ang maybahay ko'y may naiwang boteng plastik sa bahay, naisip kong muling mag-ekobrik na naiwan kong gawaing n...